Abswelto o ‘off the hook’ sa isyu ng overpricing ng COVID vaccine sina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III na nawala ang pagdududa nila kina Galvez at Duque sa over pricing dahil wala namang kinalaman ang dalawa sa lumabas na presyo ng Sinovac vaccine na pinagkumparahan at pinagmulan ng pagsususpetsa.
Matatandaan na nagduda si Senator Ping Lacson at ilang senador na posibleng may tangka ng overpricing ng bakuna partikular ng Sinovac na unang sinabi ng Department of Health na P3,629 ang presyo ng dalawang dose.
Sa huli, sinabi ni Galvez na nasa P700 lang ang presyo ng Sinovac at ayon kay Sec. Duque ang mataas na presyo ng DOH ay nakuha lang sa isang na google na news article.
Ayon kay Sotto, tiwala sila na hindi magiging overpriced ang bibilhing bakuna ng gobyerno at masusunod ang napag-usapan nilang safeguard para rito.
Nangako rin aniya si Galvez na regular na magbibigay ng update sa senado ukol sa mga negosasyon para sa suplay ng bakuna.