Welcome sa Department of Education (DepEd) ang pasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang pagpapatupad ng pinaluwag na age restriction sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, may kapangyarihan ang Pangulo na pahintulutan o ibasura ang anumang inirerekomendang programa ng DepEd.
Ani Briones, wala silang nakitang problema o agam-agam sa naging pasiya ng Pangulo dahil nauunawan nila ito.
Paliwanag pa ng kalihim, una nilang inaprubahan ang pagpapaluwag sa age restriction o pagpapahintulot sa mga batang may edad 10 hanggang 14 na taon na makalabas na ng bahay dahil hindi pa gaanong kaseryoso noon ang banta ng bagong COVID-19 variant sa bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Briones na kanila pa ring pinaghahandaan ang pagbabalik ng face-to-face classes oras na bumuti na ang sitwasyon ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.