Handa na ang Philippine National Police (PNP) na gamitin ang mga binili nitong body cameras para sa kanilang mga operasyon lalo na ang may kinalaman sa iligal na droga.
Ito ang tiniyak ni PNP directorate for logistics chief P/MGen. Angelito Casimiro sa pagdinig ng Senado kahapon.
Ayon kay Casimiro, hawak na nila ngayon ang nasa 2,686 na mga body camera gayundin ang mga desktop computers na gagamitin para sa downloading at file transfer maging ang mga led TV, ups, Smart sims at iba pa.
Kasalukuyan na aniya itong nakakalat sa 269 PNP stations sa buong bansa habang nasa 65 porsyento nang tapos ang installation ng internet connection sa mga ito.
Hinihintay na lamang din ng PNP ani Casimiro ang configuration sa kanilang koneksyon para sa sentralisadong pagpapalitan ng datos ng PNP na ngayo’y nasa 46% na.
Target aniyang magamit ang mga biniling body cam ng PNP sa susunod na buwan na sisimulan sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Magugunitang kinastigo ni dating PNP chief at ngayo’y Sen. Ronald Bato Dela Rosa ang PNP dahil sa hindi pa rin nagagamit ang mga body cameras na binili nuong siya pa ang hepe ng Pambansang Pulisya. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)