Itinalaga ng Korte Suprema ang retiradong mahistrado na si Francis Jardeleza bilang ‘amicus curiae’ o friend of the court
kaugnay ng mga petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Batay sa tatlong pahinang resolusyon ng mataas na hukuman, binanggit ni SC Clerk of Court Edgar Aricheta na nakaatang sa balikat ni Jardeleza ang pagpapaliwanag tungkol sa nasabing batas.
Matatandaang itinalaga ni dating Pangulong Noynoy Aquino si Jardeleza bilang Solicitor General noong 2012 bago napunta sa Supreme Court noong 2014.
Sa Martes, Pebrero a-dos, ay aarangkada na ang oral arguments ng Kataas-taasang Hukuman tungkol sa kontrobersiyal na batas.