Dapat suriing mabuti ng Department of Agriculture (DA) ang klase ng mga aangkating karne ng baboy sa harap ng kakulangan ng supply nito sa pamilihan.
Ayon kay Senator Francis Pangilinan, mahalaga na ikunsidera ang mga bansang pagkukunan ng supply dahil baka malusutan ang bansa ng mga imported pork meat na mayroong African Swine Fever.
Sabi ni Pangilinan, hindi sapat na matugunan ang kakulangan ng supply ng karne ng baboy para mag-stabilize ang presyo sa merkado.
Mas importante aniya na masiguro na ligtas ang mga aangkating karne ng baboy laban sa banta ng ASF.
Umapela rin si Pangilinan sa DA na balansehin ang epekto ng importation sa ating local hog raisers.
Sa pagtaya ni Pangilinan, lubhang maaapektuhan ang local hog industry kung ipatutupad ng DA ang mataas na minimum access volume o dami ng pwedeng angkatin na karne ng baboy sa bansa sa mas mababang taripa.