Prayoridad mabakunahan laban sa coronavirus disease (COVID-19) ang lahat ng mga empleyado sa mga ospital ayon kay DOH Health Secretary Francisco Duque III.
Giit ni Duque, sakaling nurse at doktor lamang ang mababakunahan laban sa virus kung makontamina ang ibang mga empleyado ng isang ospital hindi rin makakapagtrabaho ang mga doktor.
Dagdag pa ni Duque, institutional ang nais ng kagawaran na mabakunahan upang mapreserba ang institutional safety.
Kaugnay nito, target ng pamahalaan na unahin ang mga malalaking ospital sa Metro Manila dahil ito ang sentro ng COVID-19 habang titingnan pa kung posible na ring mabigyan ng bakuna ang mga ospital sa Cebu at Davao dahil isa rin ito sa may mataas na kaso.
Ilan sa mga ospital na kabilang sa unang rollout ng bakuna program ng pamahalaan ay ang East Avenue Medical Center, Philippine General Hospital sa Maynila, Lung Center of the Philippines sa Quezon City, Dr. Jose N. Rodriquez Memorial Hospital at Sanitarium (Tala Hospital) sa Kalookan.
Samantala, ipamamahagi naman sa iba pang mga ospital sa Metro Manila ang sosobrang suplay ng bakuna.—sa panulat ni Agustina Nolasco