Papahintulutan na lamang na gumamit ng Tiktok app ang mga nasa edad 13 pataas sa Italy matapos umapela ang mga otoridad na taasan ang edad ng mga gagamit ng naturang app kasunod ng inisidenteng naganap sa isang batang babae na kumasa sa isang Tiktok challenge.
Batay sa bagong polisiya ng Tiktok sa Italy, iba-block ng naturang app ang sinomang users na magbibigay ng impormasyon na nasa edad 13 pababa.
Ayon naman kay Alexandra Evans, head ng Tiktok child safety sa Europe na maglalagay ito ng button sa mismong app kung saan maaaring ireport ng sinomang member ng app na isang user na mas mababa sa edad 13.
Magkakaroon din aniya ng detector ang app na tutukoy kung under-age ang may-ari o gumagamit ng Tiktok account.
Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa una nang napaulat na pagkamatay ng isang 10 taong gulang na batang babae na gumawa ng breath-holding challenge sa Tiktok.—sa panulat ni Agustina Nolasco