Nadagdagan pa ang mga dayuhang papayagan nang makapasok sa Pilipinas simula February 16, basta’t may hawak ang mga ito ng valid visa.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque, matapos magpasiya ang Inter-Agency Task Force na luwagan na ang ipinatutupad na travel restrictions sa mga dayuhang nabigyan ng visa noong March 20, 2020 at nanatiling balido.
Ayon kay Roque, kinakailangang mayroon nang naka-pre booked na accommodation sa isang accredited na quarantine hotel o facility ang darating na dayuhan sa loob ng anim na gabi.
Kinakailangan ding sumailalim ang dayuhan sa COVID-19 test, matapos ang anim na araw ng kanyang pagdating sa bansa.
Binigyang diin naman ni Roque na ang pagpapapasok sa Pilipinas ng mga dayuhan ay nakadepende pa rin sa maximum capacity ng mga paparating na pasahero sa mga paliparan o puerto at petsa ng pagdating.
Nilinaw din ni Roque na nananatili pa ring hindi pinapayagan ang mga dayuhang turista sa Pilipinas maliban na lamang kung kabilang ito sa exempted.