Inamin ng Department of Health (DOH) na hindi pa rin sila nakabibili ng mga kinakailangang kagamitan para naman sa mabilis na pagsasagawa ng genome sequencing.
Ito’y ayon kay DOH spokesperson at Usec. Ma. Rosario Vergeire ay kahit pa nakausap na nila ang supplier para rito at inaayos pa nila ang pondo para sa pagbabayad.
Ang genome sequencing ay ang proseso para matukoy kung anong variant ng COVID-19 ang dumapo sa isang indibiduwal na kumpirmadong nagpositibo sa virus.
Paliwanag ni Vergeire, hindi pa kasama sa plano ng DOH sa ngayon ang bio-surveillance kaya’t hindi nila ito naisama sa mga pagtalakay nang ilatag nila sa kongreso ang 2021 budget ng kagawaran.
Dagdag pa ni Vergeire, pansamantalang inaabonohan ng University of the Philippines (UP) Genome Center, National Institute of Health NG UP at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang mahigit sa tatlongdaang milyong pisong pondo para sa pagsasagawa ng genome sequencing sa mga kaso ng bagong variant ng COVID-19. —ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)