Hinatulan ng guilty ng Sandiganbayan first division ang negosyanteng si Janet Lim Napoles, dating Cagayan De Oro representative Constantino Jaraula at tatlong iba pa sa kasong may kinalaman sa pork barrel scam.
Sa isang daan at tatlong pahinang desisyon, napatunayan ng sandiganbayan na nagkasala sina Napoles, Constantino, Maria Rosalinda Lacsamana, Belina Concepcion at Mylene Encarnacion sa tig-tatlong bilang ng graft at malversation.
Kaugnay ito sa umano’y maling paggamit at pambubulsa sa Prioritydevelopment Assistance Fund (PDAF) na mas kilala sa tawag na pork barrel ng kongresista.
Nakasaad din sa desisyon na ginamit ng mga akusado ang technology resources center ng pamahalaan at countrywide agri and rural economic development foundation ni Napoles para makuha ang pondo.
Dahil dito, hinatulan sila ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong dahil sa paglabag sa anti-graft and corrupt practices act habang 12 hanggang 18 taong pagkakakulong naman para sa malversation.
Inatasan din sina Napoles at mga kapwa akusado na ibalik sa pamahalaan ang mahigit P56 milyong ninakaw nilang pondo.
Maliban sa mga ito, hinatulan din ng karagdagang apat hanggang siyam na taong pagkakakulong si Jaraula matapos mapatunayang guilty sa tatlong counts ng direct bibery.