Ligtas na at nakauwi na sa kanilang pamilya ang anim na mga mangingisdang ilang araw na nagpalutang lutang sa karagatang sakop ng Occidental Mindoro matapos lumubog ang kanilang bangka.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) – Zambales, nasagip ang anim ng kapwa nilang mga mangigisda sa bahagi ng lubang island.
Kinilala ang mga nailigtas na mga mangingisda na sina Junrey Beroy, Raymark Rebenito, Marlon Dela Cruz, Glenn Gaga, Gerald Gaga at Manuel Sueta.
Ayon sa isa sa mga nakaligtas na mangingisda, Enero 27 nang pumalaot sila sa karagatan.
Gayunman, inabutan sila ng malakas na alon dahilan kaya nabali ang tatlong katig ng kanilang bangka, tumagilid ito at pinasok ng tubig hanggang sa tuluyan nang lumubog.
Halos dalawang gabi at isang araw aniya silang nagpalutang-lutang sa dagat bago nakita ng mga kapwa nila mangigisda sa tulong ng pinailaw na flare.