Nananatiling sarado ang Kennon Road.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Benguet Governor Nestor Fongwan.
Kasabay nito, sinabi ni Fongwan na patuloy ang koordinasyon nila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil mayroon pa aniyang aberya sa Marcos Highway.
“Pero ang Marcos Highway latest na nakuha ko kaninag madaling araw ay medyo may mga problema doon, kaya nga tinatawagan ko ngayon ang DPWH kung ano ang kanilang ginagawa, siguro mabubuksan din nila yun pero di ako makakapagbigay ng advisory ngayon tungkol sa Marcos Highway.” Pahayag ni Fongwan.
Samantala, 1 ang naitalang patay sa lalawigan ng Benguet na isa sa mga sinalanta ng bagyong Lando.
Ayon kay Fongwan, nagtungo sa kanyang bukirin ang biktima para tignan ang kanyang mga pananim subalit bigo na itong makabalik sa kanilang tahanan.
Sinabi ni Fongwan na nagsagawa na sila ng preemptive evacuation sa mga lugar kung saan merong mga landslides tuwing may bagyo lalo na sa Bajon Benguet kung saan gumuho ang kabundukan noong buwan ng Agosto.
AUDIO: Bahagi ng panayam kay Governor Fongwan
By Meann Tanbio | Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit