Tuloy pa rin ang rollout ng COVID-19 vaccine ng astrazeneca sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ng Food and Drug Administration sa kabila ng mga lumabas na ulat na mahina ang bisa ng naturang bakuna laban sa mga bagong variant ng COVID-19.
Paliwanag ni FDA Dir. Gen. Eric Domingo, naghihintay pa ng datos kaugnay sa bagong variant mula sa South Africa.
Sa ngayon kasi aniya ay wala pang nakikita sa bansa na South Africa variant habang kakaunti pa lang naman ang UK variant.
Mas dominante pa rin umano ang pagikot ng virus na kahawig ng orihinal na variant nito.
Dahil dito mananatili pa rin ang bisa ng emergency use authorization at walang magiging pagbabago dito.
Magugunitang iinihayag ng South Africa ang pagpapaliban ng kanilang vaccine rollout sa bakuna ng AstraZeneca dahil umano sa mababang efficacy rate nito laban sa nadiskubreng variant ng COVID-19 sa kanilang lugar.