Inihayag ng World Health Organization (WHO) sa isang press conference ang resulta ng isinagawa nitong mga pag-aaral kaugnay sa tunay na pinagmulan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngayong Martes, Pebrero 9.
Batay sa ulat ng WHO, inalis na nila sa mga pagpipilian na nagmula sa isang laboratoryo ang naturang virus na una nang naging haka-haka noon.
Pinaniniwalaan ng mga eksperto na mula ito sa bat o paniki at naipasa sa tao sa pamamagitan ng isang klase ng hayop na maaaring ferret, rabbit o bamboo rats.
Ayon kay WHO foreign expert Peter Ben Embarek, patuloy pa anilang inaalam ang uri ng hayop na pinagmulan ng COVID-19 na malabong nagmula mismo sa Wuhan dahil sa madalang ang paniki doon.
Dagdag pa ni Embarek na walang ebidensyang nagpapatunay na mayroong malawakang outbreak ng virus sa Wuhan bago pa man maiulat ang unang kaso ng COVID-19 noong Disyembre.
Pahayag naman ni Liang Wannian, head ng China side of the joint mission malaki ang posibilidad na mula sa animal transmission ang virus subalit di pa natitiyak kung anong hayop ito.
Samantala, pinag-aaralan din ng mga eksperto ang posibilidad na maaaring naipasa ang virus sa pamamagitan ng cold-chain product.— sa panulat ni Agustina Nolasco