Patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cebu City.
Batay ito sa datos ng OCTA Research group, kung saan lumabas na tumaas ng 30% ang naitatalang bilang ng bagong kaso sa lungsod mula noong nakaraang linggo.
Katumbas ito ng halos 123 bagong kaso kada araw mula Pebrero 1 hanggang 7.
Tumaas din ng 10% ang positivity rate sa Cebu City habang nasa 11.11 per 100,000 population naman ang attack rate.
Ayon sa OCTA research group, bagama’t nananatiling kontrolado ang sitwasyon ng COVID-19 sa Cebu City, hindi pa rin maiiwasang makapagdudulot ito ng pag-aalala lalo na’t naitala na rin ang bago at mas nakahahawang UK variant sa lugar.
Magugunitang noong nakaraang linggo, iniulat ng Department Of Health na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 ang isang umuwing OFW, bagama’t nakarekober na rin ito.