Sumalang na sa pagdinig ng house committee on revision of laws ang mga panukalang amiyendahan ang 34 na taon nang family code at nagkasundong bumuo ng technical working group para pag-aralan ang mga amiyendang ito.
Sinabi ni Committee Chair Cheryl Deloso-Montalla na panahon na para repasuhin ang batas hinggil sa pamilya, kasal, legal separations, property relations ng mag asawa at parental authority para i-akma sa kasalukuyang panahon.
Nasa 16 na panukala ang naisampa sa kamara na kinabibilangan ng ground sa annulment kung saan isinusulong ni Congressman Robert Ace Barbers na maisama ang limang taaon nang hiwalay na mag-asawa.
Pinaaalis naman nina Party-list Representative Arlene Brosas, Sarah Elago, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite ang classification sa pagitan ng legitimate, illegitimate at legitimated children na layong protektahan mula sa diskriminasyon ang mga batang isinilang ng hindi kasal ang magulang.
Kasama rin sa tinalakay ang separation of property kung walang marriage settlement, pagbibigay ng kapangyarihan sa kongresista at gobernador na magkasal sa kanilang nasasakupan gayundin ang gawing legal ang virtual marriage.