Pinahahanap ni House Committee on People’s Participation Chair Florida Robes ang gobyerno ng iba pang solusyon sa mga problemang kinakaharap ng sektor ng agrikultura.
Binigyang diin ni Robes na ang lahat ng mga magsasakang Pilipino ay nagsisilbing backbone ng food security ng bansa kaya dapat na bigyan ng pansin, kilalanin at tulungan ang mga ito.
Isa sa mga aniya’y dapat tutukan ng gobyerno ang pagpapalakas sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan nang pagkakaloob ng subsidy sa mga ito.
Sinabi pa ni Robes na makatutulong din ang pagbibigay ng pamahalaan sa mga magsasaka ng makabagong farming technology at iba pang hybrid solutions para mapataas o maparami ang produksyon ng food supplies.
Una nang inanunsyo ng Malacañang ang inaprubahang food security summit ng Pangulong Rodrigo Duterte para matugunan ang problema sa mataas na presyo at mababang supply naman ng pagkain sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.