Pinaplantsa na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang bagong panuntunan nito para sa pagkakaroon ng tamang bentilasyon sa mga lugar ng trabaho.
Layon nitong matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado mula sa banta ng COVID-19 at maiwasan ang hawaan ng virus partikular na sa mga mall, restaurant, hotel at iba pang estabilisyemento.
Ayon kay Labor Asec. Ma. Teresita Cucueco, aabot na sa mahigit 7,000 estabilisyemento ang isinailalim na sa inspeksyon at nobenta porsyento naman sa mga ito ang nakasusunod.
Magugunitang naglabas ng joint guidelines ang DOLE at ang Department of Trade And Industry (DTI) nuong isang taon para pigilan ang pagkalat ng virus sa workplaces.
Ang mga kumpaniyang mapatutunayang lumabag sa mga panuntunang inilabas ng pamahalaan ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P100,000 kada araw.