Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na patuloy pa ring mag-ingat at sumunod sa mga ipinatutupad na minimum health protocols.
Kasunod ito ng pasiya ng pamahalaan na mas luwagan na ang restriksyon at taasan ang kapasidad ng mga maaaring dumalo sa mga religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.
Ayon sa CBCP, nananatili pa rin ang banta sa kalusugan ng COVID-19 lalo na’t maging ang mga eksperto ay wala pang nakikitang katiyakan hinggil sa katangian ng naturang virus.
Sa kabila nito, sinabi ng isang opisyal na CBCP na hindi na rin nakagugulat ang pasiya ng mga pamahalaan na taasan sa 50 percent ang seating o venue capacity sa mga relihiyosong pagtitipon.
Anito, dapat mas maaga pang ginawa ng pamahalaan ang pagpapaluwag sa restriksyon sa mga bahay dalanginan.
Samantala, nagpapasalamat naman si Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Douglas Badong sa naturang pasiya ng IATF.