Ibabahagi ng Philippine National Police (PNP) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nakalap nilang ebidensiya hinggil sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inaasahang bukas makukuha ng NBI sa PNP ang mga ebidensiya sa kaso tulad ng specimen, damit at cellphones.
Dahil dito, sinabi ni Guevarra na inaasahang maisasapinal na ng NBI ang kanilang imbestigasyon at maisusumite sa DOJ ang kanilang report hinggil sa kaso ni Dacera sa loob ng linggong ito.
Kasunod nito, pag-aaralan ng DOJ ang ihahaing report ng NBI upang mapagpasiyahan kung maikukunsidera ang kaso na maiakyat sa prosecutor.
Enero 1 nang matagpuan ang walang malay na si Dacera sa bath tub ng tinutuluyan nitong hotel sa Makati City kung saan ito nagdiwang ng bagong taon kasama ang ilang kaibigan at kalauna’y idineklarang patay.