P500-M ang inirerekomendang pondo ng pamahalaan para sa indemnification o bayad sa mga matuturukan ng bakuna kontra COVID-19 na makararanas ng matinding side effects.
Ito ang inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ilang araw matapos niyang aminin na ang kawalan ng vaccine indemnification law sa Pilipinas ang dahilan ng pagkakaantala sa pagdating ng unang batch ng bakuna ng Pfizer-BioNTech mula Covax facility.
Ayon kay Galvez, naipadala na nila ang indemnification proposal sa Covax at hinihintay na lamang ang ilang detalye mula sa mga abogado ng Pfizer para sa mga karagdagan pang requirements.
Paliwanag ni Galvez, kabilang sa lalagda sa indemnification agreement ang Covax facility gayundin ang bawat manufacturer na magsusuplay sa pasilidad ng COVID-19 vaccine.
Samantala, binigyang diin naman ni Galvez na mabilisan sanang matutugunan ang pagkakaantala sa pagpapadala ng suplay ng bakuna sa Pilipinas kung may naipasa lamang na vaccine indemnification law.