Ibinabala ng PHIVOLCS ang pananatili o paninirahan sa permanent danger zone sa Bulkang Taal.
Ito ay makaraang sapilitang pinalikas ng Philippine Coast Guard ang mga nasa Taal Volcano Island dahil sa aktibidad ng bulkan, kahapon.
Sa panayam ng DWIZ kay Department of Science and Technology (DOST) undersecretary at PHIVOLCS Director Renato Solidum, nilinaw nito na wala silang abiso hinggil sa forced evacuation ng mga residente rito dahil una pa lamang aniya ay hindi na dapat ito tinitirhan.
Nangangahulugan aniya ito na walang inaasahang nananatili sa Taal Volcano Island.
Nagrelease tayo ng advisory noong isang araw, wala naman kaming advise nang evacuation, ibig sabihin, dapat walang tao,” ani Solidum.
Dapat aniyang seryosohin ang pagbabawal na manirahan sa isla maging sa iba pang permanent danger zone sa Pilipinas.
Maaari naman aniya silang magpatuloy sa kanilang mga aktibidad doon gaya ng pag-aalaga ng mga palaisdaan ngunit kinakailangan aniya na regulated o kontrolado ito.
Pwede naman silang mag-alaga ng palaisdaan sa paligid pero dapat regulated ‘yon at hindi sila natutulog doon sa isla,” ani Solidum. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais