Hinimok ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya nito na magbalik-loob sa Diyos ngayong ginugunita ang Ash Wednesday na siya ring hudyat ng pagsisimula ng kuwaresma.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, simula ngayong araw ay mabuting ihanda ang sarili sa pamamagitan ng pagsusuri sa sarili na may kasamang panalangin para sa buong mundo.
Kasabay nito, ipinabatid ni Fr. Badong na pinag-aaralan pa sa ngayon ang magiging aktibidad pagdating ng Holy Week.
Aniya, matatandaan noong nakaraang taon ay walang naging ganap sa panahon ng kuwaresma dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ngunit ngayon umano ay sisikapin ng simbahan na mabuhay muli ang mga tradisyong bahagi ng Holy Week kung saan may tiyak na pagsunod sa mga health protocols.