Napanatili ng Bagyong Auring ang lakas nito habang hindi ito halos kumikilos sa kaniyang kinalalagyan.
Batay sa pinakahuling datos mula sa PAGASA, namataan ang sentro ng Bagyong Auring sa layong 435 kilometro silangan, timog – silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa isandaan at limang kilometro bawat oras.
Nakataas ang babala ng bagyo bilang isa sa mga lugar ng Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Southern Leyte, Cebu, Negros Oriental, Bohol At Siquijor.
Gayundin sa Dinagat Island, Surigao Del Norte, Surigao Del Sur, Davao Oriental, Davao De Oro, Davao Del Norte, Davao City, Camiguin, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Lanao Del Norte, Bukidnon At Lanao Del Sur.
Dahil dito, pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente sa nabanggit na lugar na gawin ang ibayong pag-iingat lalo na sa biglaang pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng bagyo.