Nasawi ang isang pulis habang sugatan naman ang limang iba pa matapos maaksidente ang sinasakyang police mobile sa Santiago City, Isabela.
Ayon sa pulisya, dead on the spot si Patrolman Archelle Duldulao habang hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan ng apat na pulis at tricycle driver na nasugatan sa pangyayari.
Sa imbestigasyon, binabaybay ng police mobile ang national highway ng Barangay Sinsayon nang pumutok ang isang gulong ng sasakyan.
Napunta sa kabilang linya ang mobile at nasalpok pa ng isang SUV habang nahulog naman si Duldulao sa sasakyan bago nagulungan at nasagasaan ng traysikel.
Sinasabing papunta sana sa isang checkpoint ang mga alagad ng batas nang mangyari ang malagim na aksidente.