Idinipensa ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) na ibinigay sa bakuna ng Sinovac na may rekomendasyong hindi ito uubrang gamitin sa health workers.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, mahigpit ang ginagawa nilang pag-check sa mga detalye ng bakuna lalo na kung kanino pupuwedeng iturok ang isang bakuna.
Sinabi ni Domingo na kahit mataas ang efficacy rate ng bakuna tulad ng Pfizer, batid nilang hindi ito pwede sa mga mayroong allergy taliwas sa Sinovac vaccine na ubra naman sa may allergies.
Binigyang diin ni Domingo na kapag nagbibigay sila ng EUA, inirerekomenda rin nila ang mga klase ng taong dapat tumanggap o hindi ng mga bakuna.
Una nang inihayag ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano na nagdulot ng duda sa efficacy ng Sinovac vaccine ang rekomendasyon ng FDA na huwag itong iturok sa medical frontliners at maging sa senior citizens.