Hati ang mga mambabatas sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa niya napagpapasiyahan kung ipawawalang bisa o ire-renew ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay House Deputy Speaker Rufus Rodriguez, dapat i-renew at panatilihin ng Pangulo ang VFA hindi lamang dahil suportado ito ng nakararaming Filipino kundi nais din nilang mas mapalakas ang relasyon ng Pilipinas at Amerika.
Naniniwala rin si Rodriguez na ikinukunsidera ng mga Filipino ang US bilang mas maaasahang kaalyado sa lahat ng aspeto ng foreign relations kumpara sa China.
Pinuri naman ni Senador Panfilo Lacson ang pasiya ni Pangulong Duterte na pakinggan muna ang pulso ng nakararaming Filipino bago magdesisyon hinggil sa VFA.
Ani Lacson, walang mawawala sa Pangulo habang marami itong mapakikinabangan sa pakikinig sa iba lalo na kung magpapasiya ito para pambansang interes, dignidad at pagpapanatili ng self respect.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na gumagana sa magkakaibang paraan ang bawat diplomatikong relasyon at economic pressure para makamit ang iisang lyunin.
Samantala, iginiit naman ni Senator Francis Pangilinan na ang tanging VFA na dapat tutukan ng Malakanyang sa ngayon ay ang vaccine for all at hindi visiting forces agreement.