Posibleng sa susunod na dalawang linggo magkakaroon ng linaw ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang mall sa Quezon City nitong Miyerkules na ikinasawi ng apat at ikinasugat ng iba pa.
Ito ang inihayag ni PDEA Dir. Gen. Wilkins Villanueva kaugnay sa timeline kung gaano katagal ang magugugol sa imbestigasyon na gagawin ng binuo nilang board of inquiry kasama ang PNP.
Kaugnay nito, sinabi ni Villanueva na bukas sila sa anomang third party investigation.
Ito’y makaraang ipag-utos ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau Of Investigation (NBI) na silipin ang nangyaring insidente sa pagitan ng PDEA at PNP.
Wala naman aniyang problema sa kanila ang hakbang na ito ng DOJ basta’t hindi ito makaaapekto sa ilalabas na resulta ng binuo nilang board of inquiry na magdudulot ng kalituhan sa publiko.
Gayundin ang reaksyon ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas, na aniya’y inirerespeto nila ang pasya na ito ng Justice Department bilang kapwa nila law enforcement agency ang nbi subalit prayoridad pa rin nila ang ginagawang imbestigasyon ng binuo nilang board of inquiry hinggil dito. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)