Kapwa tatalima ang Philippine National Police (PNP) at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ng mga opisyal ng nabanggit na mga law enforcement agencies ng pamahalaan makaraang ipagutos ni pangulo na tanging ang National Bureau of Investigation (NBI) na lamang ang mag-iimbestiga hinggil sa malagim na engkuwentrong kinasangkutan ng PNP at PDEA sa Quezon City nitong Miyerkules.
Ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Ildebrandi Usana, bilang kanilang commander in chief, susundin nila ang pangulo sa anumang ipag-uutos nito.
Sa panig naman ng PDEA, sinabi ng tagapagsalita nito na si Dir. Derrick Carreon na nagsalita na ang pangulo kaya’t wala na silang ibang maaaring ikomento pa hinggil dito.
Una rito, bumuo ng board of inquiry ang PNP at PDEA upang mangalap ng tumpak na impormasyon hinggil sa kung paano nangyari ang sagupaan na ikinasawi ng apat mula sa kani-kanilang hanay.
Habang pinakilos naman ng Department of Justice ang NBI para magsilbi naman bilang 3rd party investigator sa nabanggit na kaso. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)