Patay ang vice mayor ng bayan ng Mabuhay, lalawigan ng Zamboanga Sibugay habang sugatan naman ang dalawa pa niyang kasamahan.
Ito’y makaraang tambangan sila ng isang salarin na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan sa mismong munisipyo ng bayan pasado alas-3 ng hapon kahapon.
Kinilala ng Zamboanga sibugay pnp ang napatay na biktima na si vice mayor restituto calinge habang sugatan naman sina Engr. Edgar Pampanga at isang Abduhari Gapor.
Batay sa ulat na nakarating sa Kampo Crame, nag-uusap lamang ang tatlo sa harap ng munisipyo nang bila na lang sumulpot ang salarin at walang sabi-sabi ay pinaputukan ang mga ito na nagresulta sa agarang kamatayan ng bise alkalde.
Agad sumakay ng motorsiklo ang suspek at humarurot sa hindi malamang direksyon habang naisugod pa sa ospital ang mga sugatang biktima para lapatan ng karampatang lunas.