Lalarga na sa susunod na linggo ang imbestigasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso kaugnay sa malagim na engkuwentro sa pagitan ng mga tauhan ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Ayon kay House Committee On Dangerous Drugs Chairman at Surigao Del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, motu propio ang gagawin nilang pagsisiyasat hinggil sa insidente sa Lunes, Marso 1.
Dagdag pa ng mambabatas maraming bagay ang nais niyang linawin lalo’t kakulangan sa koordinasyon ang sinasabing dahilan kaya’t humantong sa barilan ang dapat sana’y anti-drug operations ng dalawang panig.
Susundan naman ito ng gagawing pagdinig ng senate committee on public order and illegal drugs sa pangunguna ni dating PNP chief ngayo’y Sen. Ronald Bato Dela Rosa sa Martes, Marso 2.
Para kay Dela Rosa, posibleng lumaylay ang anti-drug war ng administrasyon kung mananatili lamang sa PDEA ang pagkakasa ng mga operasyon kontra iligal na droga.