Inaprubahan na ng pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagkakaroon ng uniform o iisang travel protocols sa mga local government units (LGU).
Sang-ayon sa IATF resolution number 101 o ang uniform travel protocols for land, air, and sea, hindi na kinakailangang ng mga biyahero na magsumite ng RT-PCR test result sa kanilang LGU point of destination, maliban na lamang kung ito’y oobligahin ng naturang LGU.
Mababatid na hindi na rin kinakailangang sumailalim ang mga biyahero sa mandatory quarantine basta’t wala itong anumang sintomas ng COVID-19.
Bukod pa rito, hindi na rin kailangang kumuha ng anumang travel authority na iniisyu ng Joint Task Force COVID-19 shield.
Bagamat niluwagan na ang travel requirements, binigyang diin ng pamahalaan na panatilihin ang mahigpit na pagsunod sa umiiral na health protocols kontra COVID-19.