Ipinagtanggol ni Liberal Party President Francis Kiko Pangilinan si Vice President Leni Robredo sa panibagong tirada kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Pangilinan, ang COVID-19 ang problema at hindi ang Bise Presidente.
Iginiit pa ni Pangilinan na tumutulong si Robredo sa abot ng kaniyang makakaya sa paglaban ng bansa sa pandemya.
Sa halip aniya na pag-initan Robredo, mas makabubuting magtulungan na lang para hindi makulelat ang pilipinas sa buong asya sa paglaban sa COVID-19.
Magugunitang sinabi ng Pangulo, na may mala-anghel na mukha si Robredo ngunit mala demonyo naman ang pag-iisip nito.
Sinabihan din ng Pangulo si Robredo na siya ang maunang magpabakuna.
Una rito, hinamon ni Robredo ang Pangulo na pangunahan ang pagpapabakuna para makuha ang kumpiyansa ng publiko sa vaccination program ng gobyerno.