Inaprubahan ng senado ang rekomendasyon ng senate committee on public services na ipahinto ang operasyon ng Private Motor Vehicle Inspection System (PMVIS).
Ito ay nakapaloob sa committee report number 184 na inakda ni Senator Grace Poe, chairman ng komite.
Sa nasabing report, ipinababasura ang utos ng Department of Transportation na nagpahintulot sa operasyon ng mga PMVIS dahil hindi ito mahusay na pinag-aralan at walang sapat na legal na basehan.
Bukod dito nagkulang ang DOTr sa konsultasyon at transparency sa akreditasyon ng mga nag-operate ng PMVIC.
Maliban dito, inaprubahan din ng senado ang rekumendasyon na imbestigahan ng senate blue ribbon committee ang posibleng anomalya sa pagbibigay ng akreditasyon sa mga pribadong kumpanya na nag bukas ng PMVIC.
Sa ngayon, patuloy ang operasyon ng mga PMVIC pero ibinaba na ang singil mula 1,800 ginawa na itong P600 gaya ng dating kinukulekta sa smoke emission test. Ibinaba rin ang singil sa mga motorsiklo at tricycle.
Pero kahit ibinaba ang singil at optional na lang ang pagpapasuri sa mga PMIV’s, sinabi ni Sen. Poe na dapat suspendihin ang kanilang operasyon hangga’t meron pang mga isyu.