Maliwanag sa bagong batas na National Vaccination Program Law na hindi dapat maging dagdag na mandatory requirement sa trabaho, sa eskwelahan at sa mga transaksyon sa gobyerno ang vaccination card na i-isyu sa mabibigyan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.
Ito ang inihayag ni Senador Francis Tolentino makaraang igiit na lalabag sa batas ang mga kumpanya o mga employer na magpapatupad ng “no COVID-19 vaccine, no work” policy.
Ayon kay Tolentino, para hindi ma-discriminate ang mga manggagawa, Overseas Filipino Workers, at mga estudyante na walang bakuna, may inilagay silang probisyon hinggil dito sa ipinasa nilang batas.
Ito ay para maging maliwanag din na hindi mandatory na magpabakuna ang lahat ng mga Pilipino, ito ay optional o may karapatan ang publiko na tanggapin o tanggihan ang bakuna.
Hindi anya batayan ng pagiging fit o unfit sa trabaho ang pagpapabakuna.
Sinabi ito ni Tolentino sa harap ng report ng Associated Labor Unions na may ilang kumpanya ang nagsabi ma hindi papapasukin o kaya ay ililipat ng assignment o pagbabakasyunin ang kanilang mga trabahador na tatanggi sa iaalok sa kanilang COVID-19 vaccine. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno