Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa mga awtoridad sa Estados Unidos para protektahan ang mga Pilipino roon sa gitna ng nakakaalarmang paglobo ng bilang ng mga insidente ng karahasan laban sa mga Asyano.
Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, lumiham na sila sa State Department kung saan humirit sila ng agarang assistance para sa lahat ng Asians, kabilang ang mga Pinoy at Filipino-Americans sa nasabing bansa.
Ipinagmalaki ni Romualdez na dahil sa kanilang panawagan ay nagkaroon na rin ng Senate committee hearing kaugnay ng mga hate crimes laban sa mga Asyano na lumala umano mula nang magkaroon ng pandemya.
Matatandaang nalaslas ang mukha ng Pinoy na si Noel Quintana matapos atakehin ng isang lalaki sa subway sa New York noong nakaraang buwan.
Halos isang daang tahi ang kinailangan para maisara ang sugat sa mukha ni Quintana.