Target ng Philippine National Police (PNP) na mabakunahan kontra COVID-19 ang nasa 1,200 nilang mga tauhan gamit ang bakunang Coronavax na donasyon mula sa China.
Ito ang inihayag ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) makaraang matanggap na nito ang karagdagang apatnaraan mula sa inisyal na 800 doses ng bakuna mula sa pamahalaan.
Ayon kay PNP deputy chief for administration at ASCOTF Commander P/LtG. Guillermo Eleazar, kasalukuyan nang nasa 78% ng mga nasa hanay ng PNP ang handa nang sumailalim sa pagbabakuna.
Batay sa pinakahuling datos, aabot na sa 1,094 na mga pulis na nagsisilbing medical frontliners ang nabakunahan na ng Coronavax mula nang umarangkada ang pagbabakuna nuong Marso 1.
Mula sa nasabing bilang ng mga naturukan ng bakunang Coronavax, sinabi ni Eleazar na 10 sa mga ito ang nakaranas ng adverse effects tulad ng pananakit ng ulo, pangangati at pagkakaroon ng rashes.