Isinailalim sa apat na araw na lockdown ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang dalawang barangay at ilang hotel sa Maynila dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Sa nilagdaang Executive Order No. 6 ng alkalde, isinailalim sa lockdown ang Barangay 351 at barangay 725 simula ika-11 ng Marso, Huwebes, mula 12:01 AM hanggang Linggo, ika-14 ng Marso sa 11:59 PM.
Ito’y matapos makapagtala ng 12 aktibong kaso ng COVID-19 sa Barangay 351 at 14 aktibong kaso naman sa Barangay 725.
Samantala, dalawang hotel naman sa barangay 699 ang isinailalim rin sa lockdown dahil sa naitalang kaso ng COVID-19.
Nakapagtala ang Malate Bayview Mansion ng nasa 14 kumpirmadong kaso ng naturang virus habang ang Hop Inn Hotel ay nakapagtala ng tatlong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Domagoso, ang mga residente sa mga nabanggit na barangay ay pinapayuhang manatili sa loob ng kani-kanilang kabahayan.
JUST IN: Manila City Mayor @IskoMoreno isinailalim ang dalawang barangay sa Maynila sa 'strict lockdown' dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19. https://t.co/N722YO85yZ
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 9, 2021