Nagkasa ng three-strike policy si Navotas City Mayor Toby Tiangco para sa mga opisyal ng barangay na mabibigong ipatupad ang health protocols kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Tiangco, maraming reklamo ang natatanggap niya laban sa mga hindi nagsusuot ng face mask at lumalabag din sa 24-hour curfew para sa mga menor de edad lalo na sa mga nasa looban na aniya’y mga pangunahing dahilan nang pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod.
Sinabi ni Tiangco sa kanyang kautusan na kapag naka-strike three na ang barangay official, sasampahan niya ng kasong neglect of duty ang mga ito.
Ipinabatid ni Tiangco na batay sa kanilang monitoring kahapon, Martes, mayroong 19 na bagong kaso ng COVID-19 ang lungsod, 30 ang nakarekober at isa ang nasawi.