Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng mga awtoridad sa Barangay 351 sa Maynila para sa ipatutupad na 4-day lockdown.
Ayon kay Kapitan Almira Calip, oras na magsimula ang lockdown sa barangay, hindi na papayagan ang paglabas ng mga residente nito sa kanilang kabahayan mula alas-12:01 ng madaling araw ng ika-11 ng Marso hanggang alas-11:59 ng gabi ng ika-14 ng Marso.
Dahil dito, payo ni Calip sa mga nasasakupan nito na ngayon pa lamang ay bumili na ng suplay ng pagkain ng kanilang pamilya at iba pang pangangailangan ng mga ito.
Bukod pa rito, sinabi rin ng mga awtoridad na hindi kikilalanin ang kanilang mga quarantine passes sa gitna ng pag-iral ng lockdown.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng Barangay 351 na hahatiran nila ng rasyon ang mga residenteng maaapektuhan ng lockdown o paghihigpit sa quarantine protocols.