Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat ang suplay ng mga produktong pagkain sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Lando.
Ayon kay DTI Undersecretary for Consumer Protection Victorio Dimagiba , tatagal pa ng isa hanggang dalawang linggo ang suplay ng pagkain sa mga pamilihan na sinalanta ng bagyo batay sa report aniya ng mga food manufacturer.
“Except for some areas in Cabanatuan City dahil yan po ang matindi talagang nabaha, all other areas areas po, infact during the height of the typhoon noong Saturday and Sunday, nanawagan na po kami nung Friday night eh, so some of them already sent trucks para ma-deliver yung mga supply.” Ani Dimagiba.
Muli namang ipinaalala ni Dimagiba ang pag-iral ng price freeze sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Binigyang diin ni Dimagiba na dapat mapako ang presyo ng mga basic commodities sa presyo nito bago tumama ang bagyong Lando.
“Talagang under state of calamity iiral po ang price freeze, ibig sabihin ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay nakatakda yan doon sa presyo niya before typhoon Lando, yan po ay ipaiiral ng mga monitoring teams ng DTI sa kani-kanilang lugar, ang DTI po ay may opisina sa lahat ng lalawigan sa ating bansa, kaya before the typhoon, umiikot na po ‘yan.” Pahayag ni Dimagiba.
By Ralph Obina | Kasangga Mo Ang Langit