Humirit ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamahalaan ng dagdag pondo para sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers o OFW sa bansa na kailangan i-quarantine.
Ito’y ayon kay Administrator Hans Leo Cacdac, na marami na ang kanilang inilaan na pondo sa hotel accommodation, pagkain at pagbiyahe ng mga OFW na umuuwi sa bansa.
Dagdag ni Cacdac na naglalabas sila ng P30 milyon para lamang sa hotel accomodation ng mga ito.
Lalo rin lumaki aniya ang gastos ng owwa nang baguhin ng iatf ang protocol na obligahin ang mga OFW na sumailalim sa swab test sa ikalimang araw ng kanilang quarantine.
Dahil dito, sinabi ni Cacdac na kung magpapatuloy ang ipinapatupad na protocols at maraming umuuwing OFW sa bansa ay posibleng maubos ang kaban ng ahensya.
Kakayanin nilang pondohan ang quarantine hanggang sa Mayo at Hunyo ngunit kung magpapatuloy ang protocols at umuuwing OFW ay posibleng maubos ang kanilang kaban.
Samantala, sumulat na ang Department of Labor and Employment sa Department of Budget and Management para sa halos 10 bilyong supplemental funds na kakailanganin para sa mga OFW na umuuwi sa bansa.— sa panulat ni Rashid Locsin