Kumpiyansa ang Department of National Defense (DND) na walang nalalabag sa konstitusyon sa pagkakatalaga kay Southern Luzon Commander Lt/Gen. Antionio Parlade upang maging tagapagsalita ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang reaksyon ng kalihim sa rekomendasyon ng senado na tangggalin bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC si Parlade dahil labag umano sa konstitusyon na ilagay sa isang sibilyang pwesto ang aktibong opisyal ng militar.
Pero nilinaw ni Lorenzana na hindi lang mga sibilyan ang dapat nakapwesto sa NTF-ELCAC dahil ang AFP at PNP ang pangunahing mga miyembro ng naturang grupo
Paliwanag pa ng kalihim, nagbibigay lang ng suporta ang mga sibilyang ahensya ng gobyerno na kasama sa NTF-ELCAC sa kampanya ng pamahalaan kontra sa kilusang komunista kaya kung tatanggalin aniya si Parlade ay parang tinanggal narin ang AFP sa grupo.
Una rito, sinabi ni Parlade na welcome sa kanya ang rekomendasyon ng senado na tanggalin siya bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC subalit ang ehekutibo at hindi ang lehislatura ang makapagpapaalis sa kanya sa pwesto. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)