Tumaas pa ang bilang ng mga medical personnel ng Philippine General Hospital (PGH) na nais nang magpaturok ng Sinovac COVID-19 vaccine na mula sa China.
Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, na umakyat ang acceptance percentage ng China-made vaccine para sa mga healthcare frontliners ng PGH mula sa dating 8% lamang ay sumipa na ito ngayon sa 25% increase.
Noong nakalipas na Marso 1, ang PGH ang pinaka-unang tumanggap ng COVID-19 vaccine matapos na dumating sa bansa ang halos 600,000 na mga bakuna mula sa donasyon ng Chinese government.
Bunsod nito, sinabi ni Dr. Del Rosario, na aabot na sa 1,400 PGH medical personnel ang nakatanggap na ng bakunang ito, at wala naman aniyang nakaranas ng anumang adverse effect o negatibong epekto.