Pinangangambahang papalo pa sa pito hanggang 8,000 ang maitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa bago matapos ang buwan ng Marso.
Ito ang babala ng University of the Philippines o UP OCTA Research Group makaraang sumampa na sa 5,000 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 batay sa datos ng Department of Health (DOH) kahapon.
Ayon kay Prof. Guido David ng UP-OCTA research group, isa sa mga tiyak na makapag-aambag sa biglaang pagsipa ng naitatalang bagong kaso ay ang bagong variant ng COVID-19 na nadidiskubre sa bansa.
Sa Metro Manila halimbawa, sinabi ni David na kung hindi magbabago ang bilis ng transmission o hawaan ng virus ay posibleng pumalo pa ng hanggang 5,000 ang mga bagong maitatalang kaso sa katapusan ng buwan.
Magugunitang ilan sa mga bagong variant na natukoy ay nagmula sa United Kingdom, South Africa gayundin ang kadedeklara pa lamang na P.1 at P.3 na kapwa nagmula sa tinatawag na Brazilian lineage.
Malaking posibilidad na dulot rin ito ng variant dahil hindi naman ganito makapanghawa yung dating virus natin na buong pamilya, ngayon dumami at tumaas ang mga incident sa mga minors at buong pamilya nagkakahawaan; family clustering, hindi lang buong pamilya, mga clustering sa mga offices; sabay-sabay sila kakain at mag-aalis ng facemask ayun nagkakahawaan na silang lahat,” ani David.
Bagama’t hindi inirerekumenda ng UP-OCTA ang paglalagay muli sa bansa sa mas mahigpit na community quarantine, umaasa silang magiging sapat na ang mga gagawing paghihigpit lalo’t marami nang nagsusulputang bagong variant ng virus.
Pwede nating irekomenda yan pero ibig sabihin may iba pa tayong options sa ngayon yung mga localized lockdowns na ginagawa ng mga local government, yung curfew, babawasan natin yung capacity sa mga establishments, syempre yung mga taong bayan kailangan talagang sumunod sa mga health protocols, hindi natin sigurado kung gaano karami talaga sila dito pero i-assume na natin na maraming kumakalat para mas safe tayo. Mas safe tayo kapag conservative yung assumptions natin, kumbaga mas segurista tayo mas magiging safe tayo buti na maging segurista tayo,” ani David.