Hindi isinasantabi ng pamahalaan ang muling ilagay sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang buong bansa kung hindi mapipigil ang pagsipa ng bagong kaso ng COVID-19.
Ito ang inihayag ni National Task Force against COVID-19 Consultant Dr. Ted Herbosa kasunod ng 5,000 bagong kaso na naitala ng Department of Health (DOH) kahapon.
Ayon kay Dr. Herbosa, pinangangambahan kasing mapuno na naman ang mga ospital gayundin ang mga temporary treatment facility kung hindi mapipigilan ang pagdami ng mga nagpopositibo sa virus.
Ibinabala pa ni Dr. Herbosa na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga nasasawi dahil sa virus sa sandaling mangyari na ang kanilang pinangangambahan.