Walang karapatan si Agriculture Secretary William Dar na mamuno sa Department of Agriculture (DA) kung hindi nito alam ang nangyayaring raket o “tongpats” sa importasyon ng baboy.
Ito ang inihayag ni Senate President Vicente Sotto III makaraang isiwalat ni Senador Panfilo Lacson na mula sa loob ng DA ay may kumokolekta ng “tongpats” na P5 hanggang P7 sa bawat kilo ng inaangkat na baboy.
He has no business of being DA Secretary if he is not aware,” ani Sotto.
Sinabi naman ni Lacson na dapat ay alam o kaya ay narinig man lang ni Dar ang shenanigans sa loob ng kanyang departamento, partikular sa MAV Management Committee (Council) na kinapapalooban ng Bureau of Animal Industry at National Meat Inspection Service (NMIS).
Gayundin, sana man lang ay batid o narinig nito ang “SOPs” sa alokasyon ng quota na pumapabor sa importers at ang pag-iisyu ng Phyto-Sanitary Import Clearance (PSIC).
Giit ni Lacson, matagal na itong practice o nangyayari.
Halimbawa anya noong buwan ng Hunyo hanggang Oktubre noong 2018, bumaha ng imported pork sa bansa mula sa mga bansang ban dahil sa African Swine Fever (ASF) kaya napilitang mag-isyu ng memorandum order ukol dito si dating agriculture secretary Manny Piñol.
Giit ni Lacson, triple whammy ang tama sa atin ng ma-anomalyang gawaing ito.
Bukod anya sa pinapatay ang lokal na industrya ng hog raising, mayroon ding health concerns at issue ng forgone revenues o nawawalang kita sa gobyerno. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno