Pinaaaksyunan ng Alliance of Health Workers (AHW) ang mababang pasahod at kakulangan ng tauhan sa mga ospital ngayong patuloy ang pakikipaglaban ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon sa grupo, isang taon na ang nakalilipas simula ng pumutok ang pandemya, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natutugunan ang mga problemang dapat na bigyang atensyon.
Sa katunayan aniya sa halip na masolusyunan ang pagkalat ng COVID-19 ay nadagdagan pa lalo ngayon ang mga tinamaan ng nakahahawang sakit.
Giit ng grupo, ngayon na muling tumataas ang kaso ng COVID-19, mas lalong mahirap para sa mga health worker ang laban.
Marami na kasi anila ang health workers na pagod at maraming ospital na rin ang puno na ng pasyenteng mayroong COVID-19.
Kaugnay nito, inihirit din ng grupo na ilaan ang 10% ng gross domestic product bilang pondo sa sektor ng kalusugan.