Hindi dapat itigil ang pagtuturok ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine ng AstraZeneca.
Ito’y ayon sa World Health Organization (WHO) sa kabila ng mga napaulat na nagdudulot ito ng pamumuo ng dugo.
Ayon sa WHO, hindi nila isinasantabi ang nasabing mga report at sa ngayon ay masusi na nila itong pinag-aaralan.
Ngunit sinabi ng WHO na ikinukunsidera pa rin nila ang benepisyong hatid ng AstraZeneca vaccine at hindi nila nakikita pa ang pangangailangan para itigil ang paggamit dito.
Napaulat ang sunod-sunod na pagsuspinde ng ilang bansa sa paggamit ng AstraZeneca bilang bakuna sa kanilang mamamayan dahil sa umano’y blood clots na naidudulot nito.