Welcome sa Department of Agriculture (DA) ang isinusulong na imbestigasyon ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay ng umano’y “tongpats” sa importasyon ng baboy.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, bagama’t bumuo na sila ng special committee na bubusisi sa sinasabing anomalya sa Minimum Access Volume (MAV) scheme ay bukas sa kanila ang anumang pagsisiyasat ukol dito.
Magugunitang ibinuking ni Lacson na ginagamit ng mga taga-DA ang African swine fever (ASF) outbreak sa kanilang talamak na raket kung saan tinatayang aabot sa P6 bilyon ang di-umano’y kickback ng mga ito kapalit ng pagdaragdag ng imported pork products at pagtatapyas ng taripa.
Pagsisiwalat pa ni Lacson, namamayagpag umano ang sindikato sa DA at kumokolekta ng P5 hanggang P7 kada kilo ng imported na karne sa ilalim ng “tong-pats system” sa ahensya.
Samantala, nilinaw ni Dar na kaya lamang dinadagdagan ang volume ng imported meat products ay upang mapatatag ang suplay at presyo ng karneng baboy sa bansa.